SAPAGKAT
AKOY SUNDALO
Jojo
Calades
Ako po'y sundalo,
Ako daw ay matapang,
malakas, makisig, matibay.
Di takot mamatay!
Handang mag-alay ng
buhay, para sa bayan...
Mga katagang masarap
pakinggan.
Ngunit, natatakot
din ako.
Sa bawat haging ng
punglo sa aking tagiliran,
umuukit sa isipan,
mga anak kong
nangungulila sa
aking pagkalinga...
Sa bawat tilamsik ng
dugo ng magiting kong kasama,
dahil sa balang
tumudla,
sumisilay sa diwa
ang aking asawa,
na laging
nananabik sa aking pagbabalik.
Sa bawat paghibik ng
naghihingalo kong kakampi,
kumikirot ang
aking budhi
para sa maiiwan
niyang lipi.
Oo natatakot ako.
Pero ang takot ko ay
siya ding tapang ko.
Ang takot ko ay siya
ding lakas ko.
Natatakot akong
mapariwara ang bayan ko.
Kaya't lumalaban ako
para sa mga anak ko at sa mga anak ninyo.
Lumalaban ako para
sa pamilya ko.
Lumalaban ako,
sapagkat ako'y sundalo.
Sa bawat panaghoy ng
mga kasamang binubuwal ng punglo,
lalong sumisidhi
ang hawak ko sa gatilyo.
Habang mahimbing ang
tulog niyo sa inyong mga tahanan,
gumagapang kami sa
putikan at sa gubat ng kadiliman.
Habang napapangiti
kayo sa saliw ng musika,
kalansing ng bala
at dagundong ng bomba sami'y tumutusta.
Sa bawat pagtaas ng
watawat... pagkatapos ng lahat,
taas-noo akong
tutula at aawit.
Ngunit kung ako'y
sinawing palad,
bangkay koy ibigay
kay Inay.
Pagka't utang ko sa
kaniya ang aking buhay
marapat lang na sa
kaniya ako'y humimlay.
No comments:
Post a Comment